Ang sabi sa balita, may serial killer daw na gumagala malapit lang sa bahay nila at kinukuha ang laman loob ng mga kabataang napapatay nito. Pakana daw ito ng ilang mga mayayaman na walang mapagkunan ng organs para sa mga kapamilya nilang kailangang magpa-transplant. Marami rin namang nagsasabing gawa-gawa lang daw ang issue para sumunod ang mga tao sa curfew. Napakalawak ng deskripsyon sa killer. Basta ang palatandaan lang daw ay lagi itong naka-puruntong, may dalang camouflage na buddy bag, at nag-aabang-abang sa mga kanto kapag kaunti na lang ang mga tao sa gabi. Naku, hilig pa naman niyang umuwi ng madaling araw galing sa inuman. Napapadalas ito nang napapadalas simula nang matanggal siya sa trabaho. Hindi man sila umiinom, tumitira naman sila ng bato. Naisip niya, mas madali siyang mabibiktima ng serial killer dahil laging siyang lupaypay kapag umuuwi at siguradong walang laban.
Nasabi na lang niya sa sarili, “Ah, mabuti na lang at mayroon akong balisong dito. Kahit atakihin niya ako ngayong gabi, siguradong hindi ako mapupuruhan. Kahit papaano’y may panlaban ako.”
Alam niyang malakas siya kapag nakaka-tira ng bato, pero hindi rin siya sigurado dahil bago sila gumamit, nagpapakalango muna siya sa alak hanggang sa halos hindi na magising.
“Bahala na,” nasabi na lang niya sa sarili matapos maligo. Ayaw niyang maka-miss ng kahit isang session. Panlibang niya ito sa sarili at panlaban sa sunud-sunod na kamalasan sa buhay.
Dali-dali siyang nagbihis at kumuha ng tatlong alak sa aparador pang-ambag sa session nila. Ngayon lang siya makakapag-ambag dahil ngayon lang siya nagka-pera. Gin-bulag pare. Hassle bitbitin. Dali-dali niyang isinilid ang mga ito sa kung anong nadampot na bag at isinama na rin ang balisong na inaasahan niyang makakapagligtas ng buhay niya sakaling maispatan siya ng killer, sabay sibat.
Mabilis natapos ang session nila. Nakasulit siya ng alak at bato. Oras na para umiwi. Wala na siyang takot. Nilakad niya ang daan patungo sa madilim na kanto, malapit lang sa kanyang bahay at nakakita ng anino isang ng animo’y demonyo sa di kalayuan. Agad siyang naglabas ng balisong at...
“Huli ka!” sabay sunggab sa demonyo.
Pinagsasaksak niya ito at hiniwa ang tiyan, hinalukay ang buong kalamnan, ibinato sa kung saan. Kinuha niya ang atay nito, isinilid sa plastik at ipinasok sa camouflage na bag. Wasak na wasak ang pobreng estudyante at iniwang nakahandusay sa isang gilid, habang siya ay mabilis na tumatakbo papunta sa isang malaking bahay. May katagpo. May bibili.
1 comment:
ay lola, ang creepy naman niyan!!! pero mayroon sa amin niyan... naka-van naman... malapit sa may amin (silverio cmpd) may mga batang natagpuan, walang laman-loob tapos pinasakan na lang ng 10k yung bata... mga bata kinukuha nila. puro bata... naka van raw eh...
totoo siya... as in... pero yung si dennis garcia eklavoo, patay na raw yun (psycho killer kuno)
Post a Comment