Sunday, July 01, 2007
peryodista
maaaring sa kanya ko nakita ang iyong halaga. ipinaubaya na niya sa iyo ang paggabay sa walang hanggang landas ng tinatawag nilang buhay. sa kanyang sisidlan, pamatid-uhaw sa nangangalawang na laman, ay iniukit niya ang munting bulong sa iyo. matatamis ang kanyang mga salita. may tanaw na pag-asa. sinasamba ka niya.
madilim dito. masikip. naggigitgitan ang ingay ng mga salita, panitik, samu't-saring kaalaman - hungkag!
nabubuhay ako sa loob ng aking kamalayan. dumadami. dumudumi. nalason na rin. at sa tuwing ika'y nililikha, utak ko ang nalalaspag. pilit na pinipiga. dinudurog. kinakalansing ang natitira kong katauhan. napakasarap ng pagpatay mo sa akin... sa tuwing malalagot ang aking hininga ay kasabay ang pagluwal sa isang obrang nilikha ng buo kong katawan, kaluluwa. nawawala ang aking puso. tinunaw mo na. inaagaw mo ang aking lakas. inuubos. nililito mo ang aking ulirat at niyayaya ako sa labas ng mundong akin, atin at sa kanila. dinadala mo ako sa likod ng aking mga pangarap at sinusugatan ang aking mga kamay sa bawat titik na tatatak sa puso ng akin sanang mga mambabasa. ngunit walang nais bumasa sa akin... paano kita magiging bukas?
sa kabila nito'y patuloy ang himig ng aking mga tula at lahat silang aking mga sinusulat. lahat sila'y binigyan ko ng buhay. idinugtong ko sa akin at ngayo'y iisa kami. walang humpay ang pagtibok... hindi sila nakakakilala ng tuldok...
sa iyo, sana'y matutunan ko ring ipaubaya ang bukas. kakapit ako sa iyong mga titik. mahigpit. makikinig ako sa bawat bulong ng iyong mga munting matatalim na salita. sa paglaslas nila sa akin, habang natitiis ko pa ang kirot at hapdi ay iipunin ko ang tinta ng aking katawan at dito sisimulan ang paghabi ng pangarap na sa iyo ay aking hahanapin, haharapin...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment