Thursday, August 24, 2006

minsan...

may mga panahon na wala ako sa sarili
madalas dapuan ng ligalig at pagkabagabag
dinadalaw ng hindi mawaring pakiramdam
na siyang nagdudulot ng pagkaasiwa
at pagtataka sa buhay
na nais kong iwaksi minsan...

minsan naiiisip ko kung baka ako lang ang talagang buhay
sa mundo at ang mga tao sa paligid ko ay pagsubok lamang
kung paano ko igagapang ang buhay
baka kasi ilusyon lamang ang eksistensya nila
at nanghihigop lang sila ng lakas
upang masubok kung hanggang saan
ang itatagal ko nang nakatayo at
humihinga...

humihinga ako kasabay ng paghinga ng mga dahon
sa paligid ng harding aking ginagalawan
humihinga ako kapag kinakabahan
sapagkat ito lamang ang nagpapabalik sa akin
sa sariling ulirat
humihinga ako at patuloy na nabubuhay
katulad ng mga hayop at maliliit na insekto
na aking pinapatay...

pinapatay ako ng mga sandali
na ang aking isipan ay puno ng dalamhati
dalamhating galing sa hindi maipaliwanag na lakas
lakas na hindi alam kung ano ang pinagmulan
lakas na unti-unting umaagnas
sa aking pag-iisip, sa aking pagkatao
nababaliw ako...

ako na walang ibang hinangad kundi
alamin ang halaga ng aking pagiging buhay
alamin kung hanggang saan ang dapat itagal
ng isang isipang hindi malaya
ngunit nakapagpapalaya ng isipan
ng mga naniniwala na alam ko
kahit sa sarili ko'y alam kong hindi sapat
na tawaging karunungan ang mga bagay
na nasasambit, naiisip...

naiisip ko minsan kung isa lamang akong pagsubok
isang ilusyon
sa mga taong nakapaligid sa akin
at gayo'y walang halaga
ang sariling eksistensya
walang halaga
ang ako'y naririto...

naririto ako, nagtatanong, nangangarap
na sana'y madama ko ang halaga ng buhay
kahit minsan...

No comments: